Paunang Sipat sa Surveillance Capitalism at Ang Bagong Ginto
Gaano katagal bago ka lamunin ng pagkabalisa at sumuko sa tukso ng iyong gadyet?
Aminin man natin o hindi, maya’t maya nating tinitignan ang ating mga smartphone. Ngunit nakapagtatakang hindi lamang tayo ang naging mas palaasa sa mga gadyet na kadalasang nakakubli sa ating bulsa, gayundin ang mga gadyet na ito sa atin. Walang malay tayong sumasailalim sa pinakamasaklaw na eksperimentong sosyo-ekonomiko sa kasaysayan. Ito ang tinatawag na surveillance capitalism kung saan ang bawat kilos ay sinusubaybayan, sinusuri, at pinagkakakitaan (Moscrop, 2022).
Gaya ng pamagat ng website na ito, ang ating personal na impormasyon ang ‘bagong ginto.’ Ito ay inaayos bilang datasets na siya namang ibinabahagi at ipinagbibili nang palihim sa mga naglalakihang kumpanya. Ang ating data ay ginagamit ng mga advertisers, social media companies, at maging ng mga pulitiko upang manlinlang. Ang konsepto ng sariling kaisipan at tunay na privacy ay unti-unting nagiging artipak na lamang ng nagdaang panahon. Paano nga ba tayo humantong sa puntong ito?
Sa nakalipas na dekada, natuklasan ng Google at Facebook na mas mainam kung itutuon ang pokus sa pagtiktik sa mga kumukunsumo ng kanilang mga produkto sa ngalan ng kita. Kalaunan ay tinularan naman ito ng ibang kumpanya at patuloy na lumaganap ang makabagong uri ng kapitalismo. At ang pagbuo ng produktong kapaki-pakinabang ay sumuheto sa personal na impormasyon na maaaring makalap. Kaya ngayon ay tila mas kilala na tayo ng mga entidad na ito kaysa ng sarili nating mga nanay.
Nais nilang panatiliin tayong sugapa sa mga gadyet dahil ang oras na ating ginugugol kakadutdot ay katumbas ng data na kanilang mapipiga mula sa atin. Gamit ang malalim na pag-unawa sa ating pag-iisip at damdamin, nagagawa rin nilang magpakita ng content na ikakagalit natin para higit pang pataasin ang engagement (Restrepo, 2022). Nakukuha nilang impluwensyahan ang ating pagkilos at pagpapasya.
Para sa sinumang may kakayahang magbayad, nakahanda ang mga kumpanya tulad ng Amazon, Facebook, Google, at Microsoft na mag-alok ng napakalawak na koleksyon ng datos at ng kapangyarihang kaakibat nito (Leetaru, 2018). Salamat sa Cambridge Analytica, nasaksihan na natin ang panganib dito mismo sa Pilipinas sa kamay ni Rodrigo Duterte at ng kaniyang madugong anim na taon ng pamumuno (Robles, 2018; Gavilan & Bolledo, 2022).
Oras na upang labanan natin ang kanser na ito dahil nakasalalay dito ang ating karapatan sa malayang pagpapahayag at demokrasya. Nakataya ang lipunan at mundong ating kinalakihan. Kaya naman layunin ng website na ito na pigilan ang paggamit sa ating impormasyon bilang kalakal at isulong ang regulasyon para sa mga kumpanyang may hawak nito.
Sanggunian
Moscrop, D. (2022, November 10). On Copyright Scams, Surveillance Capitalism and the Lies of Big Tech. The Wire. https://thewire.in/tech/interview-on-copyright-scams-surveillance-capitalism-and-the-lies-of-big-tech
Restrepo, M.L. (2022, September 9). How the polarizing effect of social media is speeding up. National Public Radio. https://www.npr.org/2022/09/09/1121295499/facebook-twitter-youtube-instagram-tiktok-social-media
Leetaru, K. (2018, December 15). What does it mean for social media platforms to “sell” our data? Forbes. https://www.forbes.com/sites/kalevleetaru/2018/12/15/what-does-it-mean-for-social-media-platforms-to-sell-our-data/?sh=54f9cad32d6c
Robles, R. (2018, April 4). How Cambridge Analytica’s parent company helped ‘man of action’ Rodrigo Duterte win the 2016 Philippines election. South China Morning Post. https://www.scmp.com/news/asia/southeast-asia/article/2140303/how-cambridge-analyticas-parent-company-helped-man-action
Gavilan, J. & Bolledo, J. (2022, June 16). Killing as policy: Duterte’s drug war that Marcos will inherit. Rappler. https://www.rappler.com/newsbreak/in-depth/rodrigo-duterte-violent-drug-war-ferdinand-marcos-jr-inherit/