Ang Internet bilang midyum ng Surveillance Capitalism
Sa kasalukuyang panahon, mahirap paniwalaan na ang Internet ay medyo bago pa. Kaka-iba ang itsura ng Internet ng 2002 o kahit 2012 kapag ipinaghambing mo ito sa Internet ng 2022. Wala pa ang virtual reality na teknolohiya, wala pa ang Tiktok, Instagram, Twitter, o kahit Facebook.
Malaki na ang papel ng Internet sa ating buhay at lipunan. At siguro malaki na din ang naging epekto nito sa ating lipunan, no?
Siyempre, madaling makita ang magandang epekto. Ang mabilis na komunikasyon sa iyong mga kaibigan at pamilya, ang malaking sakop ng komunikasyon na talagang pandaigdig na, atbp. Pero paano naman ang masama?
Siguro dahil sa maraming artikulo na ngayon, fake news ay isa sa mga unang maiisip niyo na masamang dulot ng Internet o kaya ang mga internet at gaming addictions pero naisip niyo ba ang sistemang ekonomiko na tinatawag na surveillance capitalism?
Ang konsepto ng surveillance capitalism ay unang binigyang kahulugan ni Shoshana Zuboff noong 2015 (Zuboff, 2015). Ito raw ay isang sistemang ekonomiko na nakabatay sa pagkolekta ng personal na impormasyon ng mga tao. Ginagamit ang impormasyon na ito upang makapagbigay ng prediksyon at maimpluwensiyahan ng mga kompanya ang mga aksyon ng mga tao.

Bilang isang direktang halimbawa, tignan natin ang Cambridge Analytica na kontrobersiya.
Ang Cambridge Analytica ay isang former na political consulting firm. Noong 2018, nagkaroon ng kontrobersiya dahil nireport na nakakuha sila ng datos ng higit sa 80 milyon na Facebook users. Ang datos ay nanggaling sa profiles ng mga users na ito, at kinuha ang datos nila nang walang permiso (Kang & Frenkel, 2018; Rosenberg & Frenkel, 2018).
At bilang pandagdag, ginamit daw ng Cambridge Analytica ang datos upang gumawa ng mga sikolohikal na profile para makagawa sila ng mga espesipiko at personalized na pampulitikang advertisements (Davies, 2015; Meredith, n.d.).
Ok lang ba na ang datos ng milyon-milyon ay pwedeng ma-leak at makuha ng posibleng masamang grupo o tao dahil nagkamali o may masamang hangarin ang isa sa mga empleyado ng kumpanya? Dapat lang ba natin hayaan ang mga kumpanya na gumawa at bumuo ng kaninang kasangkapan para sa pag-impluwensiya ng milyon-milyong tao?
Bilang isa pang halimbawa ng masamang epekto ng surveillance capitalism, tignan natin ang mga disinformation campaigns na nangyayari sa social media.

Ang mga disinformation campaigns, kagaya ng mga nakita sa 2016 and 2022 na halalan ng Pilipinas, ay nagagawa gamit ng social media at ng Internet (Elemia, 2022; Kayleen Devlin, 2022; Pichayada Promchertchoo, 2022). Dahil karaniwang pinapakita sayo ang content at posts na gusto mo, madaling magpa-iral ng echo chamber, kung saan nakikita mo lamang ang mga sumasang-ayon sa iyo. At dahil dito, epektibo ang mga disinformation campaigns na ito dahil madaling gumawa ng mga espasyo sa social media kung saan nakikita mo lamang ang mga fake news.
Ang mga algorithms na ginagamit sa social media ay ginagawa gamit ng ating datos. Ok lang ba na ang datos natin ay kinokolekta at nagiging parte ng rason kung paano umiiral ang mga disinformation campaigns na ito?
Ito ay ilan sa mga masamang epekto ng surveillance capitalism at ng Internet. Mahalagang magkaroon ng regulasyon o mga batas laban dito upang mabawasan at malimitahan ang impluwensiya nito. Mahalagang makuha ulit ng mga consumer ang kanilang kontrol sa kanilang datos, at masigurado natin na hindi ito basta-basta binebenta o ginagamit.
Sanggunian
Davies, H. (2015, December 11). Ted Cruz using firm that harvested data on millions of unwitting Facebook users. The Guardian. https://www.theguardian.com/us-news/2015/dec/11/senator-ted-cruz-president-campaign-facebook-user-data
Elemia, C. (2022, May 6). In the Philippines, a Flourishing Ecosystem for Political Lies. The New York Times. https://www.nytimes.com/2022/05/06/business/philippines-election-disinformation.html
Kang, C., & Frenkel, S. (2018, April 4). Facebook Says Cambridge Analytica Harvested Data of Up to 87 Million Users. The New York Times. https://www.nytimes.com/2018/04/04/technology/mark-zuckerberg-testify-congress.html
Kayleen Devlin. (2022, May 7). Philippines election: “Politicians hire me to spread fake stories.” BBC News. https://www.bbc.com/news/blogs-trending-61339293
Meredith, S. (n.d.). Facebook-Cambridge Analytica: A timeline of the data hijacking scandal. CNBC. Retrieved December 3, 2022, from https://www.cnbc.com/2018/04/10/facebook-cambridge-analytica-a-timeline-of-the-data-hijacking-scandal.html
Pichayada Promchertchoo. (2022, May 7). “Enormous machine spreading disinformation” casts shadow over Philippine presidential contest. CNA. https://www.channelnewsasia.com/asia/philippines-presidential-election-disinformation-mislead-voters-bongbong-leni-2667791
Rosenberg, M., & Frenkel, S. (2018, March 18). Facebook’s Role in Data Misuse Sets Off Storms on Two Continents. The New York Times. https://www.nytimes.com/2018/03/18/us/cambridge-analytica-facebook-privacy-data.html
Zuboff, S. (2015). Big other: Surveillance capitalism and the prospects of an information civilization. Journal of Information Technology, 30(1), 75–89. https://doi.org/10.1057/jit.2015.5