4 minute read

Ang smartphone. Isa sa mga imbensyon ng ika-21 na siglo. Hindi siguro halata pero ang karaniwang smartphone ngayon ay lubos na mas malakas kaysa sa mga kompyuter na ginamit ng NASA para makapaglagay ng tao sa buwan. Meyron pa bang mas mainam na palatandain na nasa panahong digital na tayo?

Maraming nagagawa ang iyong phone. Ginagamit natin ito pang-browse ng Internet, pangkuha ng mga litrato, pang-sulat ng ating mga notes, pangtabi ng mga contacts at iba pang files. Nagbibigay ito ng direksyon kapag tayo ay nawawala at nagsisilbi itong linya ng komunikasyon sa iba’t-ibang tao.

Kung tutuusin, mas marami pang alam ang ating phone tungkol sa atin kaysa… sa atin. Alam mo ba kung anong bidyo ang binisita mo noong Miyerkules ng 6:30 PM? Alam mo ba kung ano sinabi mo sa iyong kaibigan noong nakaraang buwan o kung saan ka pumunta noong nakaraang taon?

Malamang hindi, pero siguro, alam ng phone mo.

Ang ating mga phones ay hindi lamang nagsisilbing bilang tagapagbigay ng laro o tagapaghatid ng mga mensahe. Sila ay karaniwang nagiging talaan din ng ating buhay. At ang mga tinatala ng phone natin, ang mga datos na ito ay mahalaga para sa ilang kumpanya.

Dahil ang datos na ito ay ang sentro ng isang modelo ng ekonomiya na tinatawag na surveillance capitalism. Sa madaling salita, interesado ang mga advertisers, ang mga gumagawa at nagpapakita ng mga patalastas, sa ating datos dahil nagagamit nila ang datos na ito para makapaggawa ng mas epektibong ads. Dahil may access din sila sa mga profile ng mga tao, pwede rin nila gawin na makikita ng mga tao ang mga ads na mas epektibo para sa kanila.

Halimbawa, ang mga services ng Google. Siguro alam ng Google lahat ng mga pinupuntahan mo kung ginagamit mo yung Google Maps o naka-on yung location history sa iyong Android na phone. Alam nila ang mga detalye na nilagay mo sa Google account mo kagaya ng pangalan, bansa, edad. Alam nila ang mga bidyos na pinapanood mo sa YouTube, ang mga sinesearch mo gamit ng Google, at dahil doon, siguro alam na din nila kung anong mga paksa interesado ko at ang mga hobbies mo. Kapag gumagamit ka ng Chrome, hindi lang nila alam kung ano sinesearch mo sa Google kundi ang buong browsing history mo kasama ng mga bookmarks (Curran, 2018; Nield, 2019).

Siguro pwede mong sabihin na ok lang ito. Paano nila magagawang “free” ang mga services kung hindi sila kumokolekta ng datos? At siguro, kung moral ba ito o hindi ay nakadepende na sayo. Ngunit, may mga problema bukod sa aksyon mismo ng pagkolekta ng datos kagaya ng kawalan ng transparency at ang mga posibleng implikasyon sa pagkolekta ng ganitong karaming datos na ginagamit para sa prediksyon at manipulasyon ng mga aksyon ng tao.

Alam ba ng lahat ng mga milyon-milyong users ng Google na kinokolekta ang kanilang datos at binebenta sa mga advertisers? Siguro hindi. Alam ba natin na talagang dinedelete ng Google ang datos natin o talagang hindi tayo tinatrack kapag inoff natin sa settings? Pwedeng oo, pero pwede rin hindi. Ayun nga, malaking porsiyento ng mga websites ay gumagamit ng Google Analytics, at gamit nito, posibleng i-track ang mga websites na binibisita mo kahit hindi ka gumagamit ng Chrome (DuckDuckGo, 2020).

At paano naman kung may makagamit sa mga sistema na ito, ang mga sistema ng pagkolekta ng datos na tinayo ng mga kumpanya? Sa Cambridge Analytica na kontrobersiya, nakakuha sila ng datos ng milyon-milyong tao. May access na ang Facebook sa milyon-milyong data na iyon, at dahil nagkamali sila sa pagbigay ng access, nakuha rin ito ng Cambridge Analytica (Kang & Frenkel, 2018; Meredith, 2018).

At hindi tayo limitado sa mga aksyon ng kumpanya. Pwede rin ito gamitin at posibleng abusuhin ng gobyerno. Ang PRISM ay pangalan ng isang proyekto ng National Security Agency ng Estados Unidos kung saan may direct access ang NSA sa mga servers ng mga kumpanya kagaya ng Apple, Google, Facebook/Meta, at Microsoft (Greenwald & MacAskill, 2013). Datos ng milyon-milyong tao ay kinokolekta ng mga kumpanya na ito, at dahil sa PRISM, nakikita rin siya ng NSA.

Kaka-iba talaga ang Internet, no? Ang ideya na pwedeng makakolekta ng datos mula sa milyon-milyong tao, datos na ilang taon ang sakop, na binubuo ng mga litrato na kinukuha, mga lugar na pinupuntahan, mga hobbies at interests… ang ideya na pwede itong ikolekta ng isang kumpanya ay siguro katawa-tawa sa panahon bago ng Internet, bago ng panahong digital. Pero may Internet na tayo, at nasa panahong digital na tayo.

Dati, ang instrumento ng pagkolekta ay kinakailangang itago sa ating mga bahay. Ngayon, ang midyum ng panopticon ay karaniwang parte na ng ating buhay.


Sanggunian

Curran, D. (2018, March 30). Are you ready? Here is all the data Facebook and Google have on you. The Guardian. https://www.theguardian.com/commentisfree/2018/mar/28/all-the-data-facebook-google-has-on-you-privacy

DuckDuckGo. (2020, January 1). How does Google track me even when I’m not using it? Spread Privacy. https://spreadprivacy.com/how-does-google-track-me-even-when-im-not-using-it/

Greenwald, G., & MacAskill, E. (2013, June 7). NSA Prism program taps in to user data of Apple, Google and others. The Guardian. https://www.theguardian.com/world/2013/jun/06/us-tech-giants-nsa-data

Kang, C., & Frenkel, S. (2018, April 4). Facebook Says Cambridge Analytica Harvested Data of Up to 87 Million Users. The New York Times. https://www.nytimes.com/2018/04/04/technology/mark-zuckerberg-testify-congress.html

Meredith, S. (2018, January 10). Facebook-Cambridge Analytica: A timeline of the data hijacking scandal. CNBC. https://www.cnbc.com/2018/04/10/facebook-cambridge-analytica-a-timeline-of-the-data-hijacking-scandal.html

Nield, D. (2019, May 27). All the Ways Google Tracks You—And How to Stop It. Wired. https://www.wired.com/story/google-tracks-you-privacy/

Updated: